Isang Bagong Mundo

Hindi mo kayang ibigay ang gusto ko.

Gusto kong lumipad,

magkaron ng kapangyarihan paglaruan ang oras,

manirahan sa pantasya.

Pero salamat sa pagkakait sa akin nito,

Sa paghatak sakin palapit sa baba at panatilihing nakalapat ang paa ko sa lupa.

Salamat sa pag hawak ng kamay ko nang hindi ako tuluyang tangayin ng pantasya ko.

Salamat dahil hanggang ngayong ay buhay pa ako at lumalaban,

Hindi ako natuloy sa alapaap,
Para makita ko ang sukdulan ng mundo,

Napagtanto kong,
Sa paglapat ng paa ko sa lupa, mas nakilala ko ang mundo ng masa.

No’ng Ika’y Tahanan.

Tahanan.

Noon.

Nangupahan lang pala ko at sa pag-alis ko,

wala akong iniwan;

dinala ko lahat para walang latak sa espasyong lilisanin ko.

At sa sobrang pagmamahal ko sa tahanang iyon,

ako pala ang may natangay na piraso ng bubong na minsan kong naging silong.

————————————————

Basahin mo ang aking salita:

Nung mga nakaraang araw, hirap akong matulog, bumangon, ni kumaim at umihi hindi ko magawa. Hindi dahil may masakit sa akin (ay wala ba?) kundi dahil wala lang talaga akong ganang mabuhay.

May mahal ako, mahaba siya (mahabang istorya). Kaso alam kong ginawa lang akong plangganang tagasalo ng emosyon niya. Bumalik ‘yung dati kong minamahal na mahal ko pa rin pero hindi na ako sigurado sa pagmamahal ko ngayon dahil may minahal siya at ako pa yata anng dahilan ng pagkaudlot. (self-pity) Sa totoo lang, ang gulo gulo gulo ng araw araw ko ngayong panahon ng halimaw (panahon ni digong). Hindi ko naman ginusto ‘yung ganito. Sobrang nasusuka na ako sa pagpigil ko ng luha kasabay ng araw araw na pananakit ng ulo ko.

May mga gabing hati ang desisyon ko sa buhay. May parte kasi sa akin na gustong tambayan ‘yung sakit, gustong maramdaman lahat ng emosyong inipon ko at gustong madurog para isang iyakan nalang. Isnag sakitan nalang. Isang bagsakan nalang. Pero may parte ring gustong hayaan nalang. Hayaang kusang umagos kung kailan aagos. I grab ‘yung oportunidad na maaaring kang maging masaya kahit alam mong eventually mawawasak ka rin. Dalawang desisyon parati. Nahahati sa takot na sumuong sa agos at sa pagiging buo ang loob anoman mangyari.

Kung minsan na kayong naging ganito, payo ko lang na mas piliin ninyong sumaya at magipon ng masasayang ala-alang makakapag pacify ng nararamdaman niyong matinding emosyon. Wala naman kasi talagang kasiguraduhan lahat ng bagay pati tao. Panahon, lumilipas. Kulay at tamis, kumukupas. Kaya huwag niyong hayaang mabuhay lang kayo ng puro pait. Mahirap pero subukan natin.

Tagpuan

Umupo sa isang tabi at napailing,
Nang makitang makulay ang kalangitan.
Sinambit ang nga katagang paulit ulit mong sinabi sa akin,
Na kahit ilang beses burahin sa ala-ala’y, kabisado ang bawat titik, bawat letra at bawat pangungusap.
Napapikit na lamang sa pag sagi mo sa isipan.
Masaya, oo. Pero lahat ng saya’y kaakibat ng lungkot.
Lungkot na kahit anong gawi’y sa puso di mapanaw.
Tumawid ako sa panahong solido kong nahahawakan ang ‘yong kamay,
Sa panahong umuusbong ang mga bulaklak sa gitna ng daanang nagsilbing piping saksi nang ating pinagsamahan.
Noong malaya pa ang puso at bukas pa ang isipan.
Ngayo’y nakatali na sa kahapong humihila sakin pababa.
Nasaan ka ba ngayon?
Nasaan ka na ba ngayon?
Nuon, sinabi mong hintayin kita sa dating tagpuan.
Duon sa lugar kung saan nasilayan ang ganda ng mundo, kasabay nang pag hawi ng hangin sa ulap upang maipakita ang liwanag nang buwan.
Nasaan ka na?
Hindi ka kasi dumating.
Napayuko at sinalo nang palad ang aking noo, habang sinasariwa ang nakaraan.
Naalala ko.
Oo nga pala.
Masaya ka riyan.
Hindi ko na kailan pa makikita na nahihirapan.
Hindi ko na rin pala kailangang itago ang pagluha ko.
Itinaas ko ang kamay habang sinasambit ko ang mga katagang…
“Alam ko nakikita mo ko.
Hintayin mo ko diyan ha.
Diyan na tayo magtatagpo sa langit ha. Hintayin mo ako”.