Tahanan

Hindi ako rosas,

Ako’y mandirigma rin tulad mo.

Lapat ang paa, sabay aapak sa lupa’t

magtatayo ng hardin sa gitna ng unos.

Itatatak sa kasaysayan ko,

upang dugo’t presensya mo’y di malimot.

Mananatiling ukit sa katawan ko’ng iyong ‘ngalan.

Hinabol ang ulan, hinarap ang liwanag,

ika’y hinanap sa pagsibol ng araw.

Naglapat ang mga mata’t nasilip ang kaluluwa,

ipinatikim ang tamis ng labang hinaharap.

Hinawi ang pighati,

walang dudang itinanim.

Salamat at hinayaang mo ‘kong maglayag —

sa katotohanan ng ‘yong buhay,

na kahit anong lalim ko na’y

kay layo ko pa rin sa ‘yong kaibuturan.

Hindi maipatak ang tinta ng pluma,

kaya’t ibinulong sa hanging nagsilbing mensahero sa hinaharap,

na ninanais kong ilapat ang aking buto,

sa lupang ninuo.

Ilalathala sa pahina ng kasaysayan ang pag buka ng pakpak

ng mga dati’y ibong ikinulong sa hawla.

At sa aking pagpadayon sa dako kung sa’n naroon ang tunay na pag-ibig,

nakita kita sa dulo,

sa bundok ng buhay.

Nagsasaboy ng rosas at watawat nati’y iwinagayway.

Inabot ang aking kamay at sinabing ito’y tahanan,

“Natagpuan ko ang pag-ibig sa kabundukan”

—————————————————————————————————————————

—————————————————————————————————————————

Underdeveloped poem.

Photo source: https://pixabay.com/en/aesthetic-mountain-clouds-mood-2928713/

Advertisements