Tungkol sa Paru-Paro

May nais akong ikuwento, kaibigan. Ito ay tungkol sa isa paru-parong dumapo sa aking balikat, nanatili ng ilang segundo para ibulong ang pantasiya niya sa buhay at pagkatapos ay lumisan rin siya. Hindi siya bagay sa lupa kung saan nakaugat ang mga paa ko. Bagay siya sa himpapawid habang tinutukso ang mga mata ng kaniyang ganda. Ito kasi ‘yon…

Sa una’y hindi kapansin pansin, hindi mawari kung anong dulot niya kung bakit ang isang insekto ay gumapang sa akin hanggang sa hindi na siya lumisan. Hanggang sa naging isa siyang karakter na may malaking bahagi sa istoryang sinusulat ko.

Noong siya ay nahihimbing ng tulog, maraming sumubok na pitasin ang tangkay ng dahon kung saan naroon siya. Ngunit sa kabila ng mga pagtatangkang iyon, namulaklak ang kaniyang katawan na noon ay sa lupa lamang sumasayad, pagapang-gapang lang.

Nang matuto siyang lumipad, nagdadalawang isip ako kung hahabulin ba siya hanggat hindi pa siya nakakalipad ng malayo o hahayaang mahalin niya ang paligid na kinabibilangan niya. At sa labis na pagmamahal ko nga sa uod na ‘yon na naging paru-paro ay handa akong yakapin ang tinik ng mga rosas sa iba’t ibang hardin na dinadapuan niya huwag lang masugatan ang pakpak niya.

Napaisip ako kung siya ba ay ikukulong sa garapon upang manatili sa akin gayong alam kong ikamamatay niya ito?

Mahirap pakawalan ang mga karakter sa istoryang minahal mo na. Pero naisip ko, hindi makasarili ang pagibig kaya hinayaan kong sumayaw siya sa saliw ng hangin. Mas nanaisin ko nang tanawin siya habang lumilipad, kaysa hayaan siyang maubusan ng hangin sa garapon. Handa rin akong harangin lahat ng magtatangkang hulihin siya upang gawing palamuti. Dahil ang ganda niya’y hindi lamang gandang kaaya aya sa mata bagkus, taglay niya ang gandang nakapupuno ng kaluluwa. Ang gandang taglay niya’y isang lihim na hindi kayang itago ng kung sino sino lang.

Kagaya siya ng hangin,nawala rin matapos pataasin ang balahibo ko at ako’y gaya ng ulap na ibubuhos sa lupa ang lahat ng tubig sa katawan kapag napuno na. Wala eh, kailangan niyang lumipad para may silbi pakpak niya.

Alam kong pagmulat ng mata ko isang araw ay magkikita kaming muli kahit burado na ako sa kaniyang isipan. Ngunit hanggat hindi dumarating ang araw na ‘yon, patuloy ang pagkilala at pagalala ko sa gandang pumukaw ng mata at kaluluwa.

“Kapag pagod ka na, bukas ang aking bintana at doon ka humimbing.” – ang huling katagang ibinulong ko sa kaniya bago niya lisanin ang balikat ko.

Advertisements

Of Pretty Faces and Callous Souls

There goes a pretty face,
Everybody wants to take chance on.
Beside is her shadow,
Dark enough to be noticed.
Beauty lingers in the surface,
the soul searches for a good home,
and her body isn’t the right place.

03.22.19 || While waiting at the convenience store.