Isang Oda sa Kamatayan Ko

Hindi ako isang puntod na aalayan ng rosas sa pag-aakalang masisiyahan ako at iyong naalala,

Lalo na sa mga okasiyong hindi mo alam kung dapat nga bang gunitain ang pagdapo ko sa sulok ng iyong alaala.

Ako’y isang lupa na tinatapakan ngunit syang may dala ng lahat ng bigat na dinadala ng iba,

Lupang hatid ay buhay ngunit pilit pinapatay ng mga imperyalistang mandarambong,

Pilit ipinagpu-puta at ikinakalakal, malamnan lamang ang pagkukulang ng iba.

Nagmistulang birheng paulit ulit pinasukan ng bakal at tatapalan ng semento kapag tapos na,

At saka ipagbibili sa murang halagang silbing kolateral sa kaluluwang inutang kay satanas.

Hindi ako hayop na kayang tumakbo kung saan mo hahatakin sa pag-aakalang nasisiyahan ako bilang iyong tuta,

Lalo na at mga kamay ang nakapulupot sa aking leeg.

Hindi rin isang kasabihan lamang na kapag inani nami’y kayo ang makikinabang,

Tandaang bawat tao’y may galamay ngunit hindi galamay lang.

Parepareho lang tayong ginagawa ang mga bagay bagay para sa pera, tayo tayo pa bang mag-gugulangan?

Lahat tayo’y nararanasang makurakot ang isip sa mga bagay na sa tingin natin ay tama, progresibo, tama, sibilisado.

Pare-pareho lang tayong inaalipin sa sarili nating teritoryo, pero bakit pinaiiral ang prinsipiyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin?”

Hindi natin namamalayang binubulag tayo nito habang pinipitpit ang ating mga dila na siyang sagabal sa pagkamit ng katahimikang may kapayapaan.

Marami nang nakita ang mga matang ‘to. Dito sa lupang niliguan na ng dugo, pinagbaunan ng mga laman na kung siswertehin ka’y buo ang madadatnan,

May iba ngang niyakap na ng tuluyan ng lupa habang ang iba’y nahiwalay pa sa ibang parte nila.

Saksi rin ako sa mga nag-alay ng sarili gamit ang sariling abo,

Idagdag ninyo ako sa bilang.

Huwag kayong mag-alala, saksi ako sa pagsunog ng kaluluwa nila habang buhay pa sila,

Nakita ko ding buo ang mga kaluluwa ninyo habang umaakayat ako.

Bawat luha, pawis at murang ibinato sa lupa,

Dama ko.

Kaya kung luluhuran ninyo ako’t aalayan ng mga bulaklak at kandila,

Huwag.

Dahil hindi ako puntod upang alalahanin lamang sabay silid sa pahina ng kasaysayan,

Mali pala, wala pala dapat akong puntod dahil hindi naman ako namatay at hindi ako nabigo.

Buhay ang kaluluwa kong nananalaytay sa bawat piraso ng bigas na kinakain ng buhay,

Buhay ang gunita ko,

Buhay ako.

Alayan ninyo naman ako ng dasal,

At kung gugunitain ninyo ang pangyayaring ito,

Huwag ninyo sanang gunitain kung paano kami nasawi,

dahil hindi kami bigo,

Naupos man ang kandila namin ng maaga, alam naming nagliwanag kami.

Kaya kung gugunitahin ninyo ang pangyayaring ito,

Gunitahin niyo kung paano nakakain ang aming kababayan dahil sa dugo at pawis na pinuhunan namin,

pakatandaan na ang pagpintig ng pulso ay isa lamang sa mga rason kung bakit tinawag kang buhay,

At pakatandaan rin kung paano tinupok ng apoy ang aming katawang lupa,

Na siyang nagsilbing buslo na nagpaalab sa damdaming makabayan ng aming mga iniwan.

Tandaan rin na ang kamatayan ay siyang simula ng lahat.

Advertisements

Sa Aking Paglalakbay

[Paalala: Ito’y panaghoy ng mga nawawala, natagpuan at umalpas]

Para sa aking mga kapatid,

Nagkalat na ang mga delubyong nagkatawang tao, nakakapaso ang init ng bawat sitwasyon ngunit kapit lang kapatid, huwag kayong mag alala sa akin kung sinindihan ko ang mitsa. Alam kong hindi magiging madali ang laban, ngunit alam kong sa ikli ng panahong ilalagi ko rito sa kalye, sa labas ng bubong na kung tawagin ay tahanan, mas marami akong tahanang mabibigyang liwanag dahil sa labas ng ating bubong, may mas malaking bubong na yumayakap sa atin. Aakyat ako, ngunit bababa rin. Hintayin ninyo ang aking pagbabalik dala ang mabuting balita. At sa aking pagbaba, kayo’y aking isasama na sa itaas upang lumubog sa mas malaking pamilyang tinatawag kong masa.

Nagmamahal,

Ate R.

I. Unang Pagtapak

Sa ‘king pagtapak sa lupang hinirang na lupa ng mga mandirigma,

kung saan hindi sinasadiyang madulas akong sabihing ‘bayang inutang’,

naalala ko ‘yung biro nung ako’y paslit pa lamang patungkol sa pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas;

“Bayang inutang, ‘di mabayad-bayaran”

pagkatapos ng liniyang iyon ay wala nang kasunod.

Ginagawang katatawanan nung ako’y elementarya pa lamang na kahit naririnig na ng aking mga guro ay wala silang imik.

Dahil ba hindi talaga mababayaran ng lahat ng pawis na ipinatak sa sementong gusaling kanilang tinatayo?

ng mga dugong iwinisik para mapatibay ang pundasiyon?

ng mga katawang ginawang pataba sa lupa?

Utang na hanggang ngayo’y binabayaran ng buhay at luha ng mga inagawan ng buhay?

Kinalakihan ko ang ganitong biro na hindi namamalayang ginagawa kong biro ang sitwasyon ng bayan ko.

Parang isang islapstik na komediya kung saan hampasin na tayo’t lahat ay tinatawanan lamang natin ito, makapagbigay aliw lamang sa mga manunuod.

Ilan na nga ba ang pinutian na ng buhok sa paghihintay kung makaka-alpas sila sa rehas na itinakda para sa kanila?

*Sabay pagpasok ng kantang bituwing walang ningning*

Mawawari mo pa ba ‘yung bilang ng taong malakarayom sa siyudad na nangangalap ng seguridad na makakakain pa sila pagdating ng bukas?

*Kumanta ng “May Bukas Pa”*

Bakit kaya bayang inutang? Pwede namang Bayang ipinagbili, o Bayang ipinambabayad.

Siguro nga,

Mananatiling dilat ang mata ng nakararami sa gutom habang ipinansusugal ng mga nasa trono ang buwis na gawa ng mga taong nagbubuwis ng buhay makapag uwi lang ng sapat, kung minsa’y kulang sa kanilang tahanan.

Siguro nga,

Mananatiling uhaw ang masa sa pagkakapantay pantay habang ang mga diyos-diyosan ay uhaw na uhaw sa kapangyarihan.

Siguro nga,

Mananatiling sarado ang bibig ng iilan dahil sa pagsalpak ng kakaunting barya’t papel na salapi na ipinakakain sa kanila, maisarado lamang ang isang usapin.

Siguro nga,

Maraming nangangarap maging prutas rito – prutas na balimbing.

Siguro nga,

Mananatili ang masangsang na amoy sa katawan ng taong gumuhit ng kasaysayan gamit ang dugo sa isang malawak na lupain habang ginagawang himig ang palahaw ng mga nawawala.

Siguro nga,

Kailanman’y hindi sila naglinis ng kanilang tainga pagkat ayaw nilang marinig ng malinaw ang panaghoy ng mga tao sa labas ng palasiyo nila.

Siguro nga, parati nalang tayong nakatanghod sa dayuhang gumahasa at patulo’y na gumagahasa sa ating inang bayan.

Pero,

Siguro mali ako.

Maling mawalan ng pag-asa na makakamit ang isang lipunang malaya.

II. Ikalawang hakbang

Sa ‘king pagtapak sa lupang hinirang,

Lumubog ang aking mga paa sa lahar na ilog na may dalang agos ng pangambang tayo’y mababaon sa lupang ito nang baon sa pangamba.

Gumapang sa siwang ng aking paa ang mga batong nagpapatianod sa agos na may putik;

di alam kung saan ako tatapak, di alam kung paanong tapak ang gagawin ko.

Kasabay ng mga patay na isdang nakalutang at sunod sa direksyon ng agos, tinatanggap kung anong kapalaran ang hatid sa kanila ng tubig.

Sunud-sunuran lamang sa dikta ng agos.

Agos.

Napagtanto kong karamihan sa atin ay maihahalintulad ko sa patay na isda na sumusunod sa dikta ng sa tingin nilang mas malakas na puwersa.

May ibang tao’y nagwawaring agos na pinapaikot ang buhay ng iba at sa bawat pagkumpas ng kamay, kapalaran ng iba’y dadalhin sa kani-kaniyang dulo.

Nakakatakot na kalabanin ang ragasa dahil sa isang maling tapak lamang natin ay maaari tayong bumagsak.

Sinubukan kong humakbang pa ng isa pa,

isa pa,

hanggang sa buong sistema ng katawan ko’y sumunod sa dikta ng puso ko.

Walang nakakaalam kung anong dulo ang kahahantungan ng hakbang ko ngunit tinanggap ko ng buong tapang na may kaunting takot ang ragasa na pilit akong hinahatak pababa, binubulungan akong tigil na.

Siguro nga talaga mali ako nang sapantaha sa mga tao,

Habang pilit kong hinahakbang ang paa ko pausad, nasaksihan ko ang isang grupo na lumilihis sa direksyon ng agos na nagudyok sa aking hawakan ang sariling pinanghahawakan upang magpatuloy,

Sinalubong ako ng mga kamay na handang ibigay ang natitirang upos ng kanilang apoy, malabanan lamang ang dilim na kinakaharap sa araw araw. Saba’y taas ng kamay ng isa’t isa.

Sa oras na ‘yon, ipinamulat sa aking hindi ragasa ang aming kalaban bagkus ang siyang nagtatago sa likod ng isang plantsadong barong na nakikipag kamay sa hayop na tinatawag nilang alyansa,

na patuloy ang pag hukay sa lupain na buhay ang hatid sa mga buhay na tao.

Ang kalaban rito’y mga buwayang nagtatampisaw sa salapi habang dugo’t pawis ang ipinanliligo ng mga taong nasa likod ng kanilang produksiyon.

Mga taong pilit pinuputulan ng pakpak ang mga ibon sabay pagbahid ng makamundong sabi sabi magkaroon lamang ng isang komediya ang dramang ilang henerasiyon na ang dinaanan.

at habang nakikipag bunong braso kami kay kamatayan,

nung mga panahong ‘yon ay sumagi sa isip ko ang sinabi ng aking kasama na “ang tao ay maihahalintulad mo rin sa isang kandila. Maaring humaba ang buhay, maari ring umikli. Gayunpaman, kung sisindihan mo ito, kahit alam mong iikli ang buhay mo, alam mong nagliwanag ka.”

Isang hakbang pa…

III. Ilang Daang Hakbang

Konti pa,

Isa pa,

‘yan ang tinimo namin sa kani-kaniyang isipan habang binubuno ang nalalabing hakbang patungo sa isang kinabukasang walang kasiguraduhan – kasiguraduhang pumipintig pa ang aming mga pulso,

kasiguraduhang may hangin pa sa aming mga baga,

mangyayari ang mangyayari,

Ipapasa sa susunod na henerasiyon ang pagsulat ng nobela ng walang hanggang drama-komediya patungkol sa kung paano natin ipapanalo ang laro na ginawa ng mga nag hahari-harian.

Ipakakalat ang mga pahina sa iba’t ibang salinlahi nang malaman nila kung paano itinumba ng mga mistulang daga ang mga piyesa ng larong chess at kung paanong ang hari ay naputulan ng galamay.

Hindi pula’t dilaw ang tunay na magkalaban,

Hindi tayo tauhan lamang sa isang drama antolohiya na ang mga manunulat ay elitista, kapitalista, pasista.

Siguro nga,

Mali ako nang sapantaha na ang mata’y mananatiling dilat sa gutom bagkus mananatiling mulat sa pangyayari,

Siguro nga,

Mali ako nang sabihin kong ang tao’y natatapalan ng maliit na halaga dahil naririnig ko ngayon ang napakalakas na panaghoy sa di kalayuan na ipinagtatanggol ang interes ng nakararami. Ang tanging makikita mong lumalabas sa kanilang bibig ay ang salitang “lalaban kami”

Siguro nga,

Mali akong amoy na amoy pa rin ang dugo na dulot ng dahas dahil isa isa na silang nahuhubaran nang lumabas na lahat ang tinatago nila sa kanilang balat.

Siguro nga,

Hindi lahat ng tao’y patay na isda.

Nasabi ko ‘to sa aking sarili nung iniabot ng aking mga kasama ang kanilang kamay habang ako’y tumatawid sa ilog.

Iiwanan ko lamang ng ilang kataga ang mga taong magbibigay oras basahin ang akdang ito,

Hindi tayo inutang, hindi rin tayo magpapautang. Hindi tayo tatalon sa kalakarang laman ang kapalit ng serbisyong ibinigay upang maging kolateral.

Wala tayong utang kundi sila,

ngunit hindi natin dadaanin sa dahas ang pagbawi ng karapatang tinatanggal sa atin sa sarili nating lupain dahil hindi tayo bababa sa lebel ng kanilang pagiisip,

Tayo ay tumindig para sa masang api patungo sa pag-abot ng mithiing pinangarap ng ating mga ninuno,

sabay sabay tayong humakbang patungo sa isang lipunang malaya.

Isa lang ang tanong ko sa lahat,

“Para kanino ninyo inaalay ang inyong liwanag?”