Unang Parte: Prosa Ng Nawawala

Paano nga ba ba ulit sumulat? Paano nga ba ako ulit magsisimula?

Hindi ko alam kung paano o saan ko uumpisahan ang mga naudlot kong kuwento…

Isa, dalawa, tatlo…

Oo naalala ko na. Ang gusto ko kasi dire-diretsong lamang ang daloy ng mga salitang bibigkasin ko na ilalathala ko. Masayang mabuhay pero mahirap. Iyon siguro ang hamon sa ating lahat hanggat humihinga pa tayo. Hindi ka na lamang basta basta iiyak katulad ng pagiyak mo kapag nasugatan ka sa palaruan. Kailangan mong itago ito sa sarili mo pagkat hindi mo gustong maulanan ng panandaliang atensyong makukuha mo sa mga kaluluwang halang sa sa emosiyon.

Nasa malaking palaruan ka na. Ang pinagkaiba nga lang ay hindi tayo naglalaro dito. Walang “laro” kundi puro palaisipan. May mga bagay na dadapo sa gunita ngunit mawawala rin. Nakakainis nyemas. Ipapaalala sa ‘yo ‘yung mga bagay na ibinaon mo na sa limot tapos lilisanin ka na parang walang iniwang sugat sa ‘yo. Sinaktan ka na naman ng alaala mo no? Hindi ka pa nga nakakabangon tapos pasulpot sulpot na lumilitaw ‘yung mga multo ng nakaraan.

Isa, dalawa, tatlo…

Oo naaalala ko na! Tungkol ‘to sa pagkain ng sistema sa akin pero dahil mas malakas ako, natalo ko ‘to. Dito sa piitang kinabibilangan ko, maraming rehas at dahil rehas lamang ang pagitan ng bawat isa, marami akong nakitang sa tingin ko magagamit ko sa mga darating na araw. Hindi ko naman nais madumihan ang gunita ko, pero sa labanan ng dalawang demonyo, mas piliin natin ang mas mahinang puwersa. Alam mo na, play safe tayo para na rin hindi tayo tuluyang yakapin ng dilim. Ayos lang madampian ng bahagiyang kadiliam kaysa naman kainin ka nito ng buo.

Ito na siguro ang lamang ko kahit ayokong sabihing nakalalamang ako sa pagiging gago, naranasan ko na ang impiyerno at nalagpasan na ito. Kaya tatawanan ko nalang kung ano mang kademonyohan ang makikita ko.

Nawala ang pagiging puro ng pagkatao ko (kahit alam kong hindi tayo puro sa umpisa palang ng pagkabuhay natin) dahil sa mga kagaguhang pilit na ipinakain sa sistema ko. Sabagay, ang mga tao ay may kabaitan pero hindi sobra at may kabutihan pero hindi puro. Tumatawa na lamang ako sa tuwing may magtatangkang demonyohin pagiisip ko dahil mas malakas ang pananalig ko sa nasa Itaas. Alam kong makipagsabayan sa kanila kung gugustuhin ko. Mga tao ngayon salat sa kaligayahan eh kaya pati kaligayahan ng iba kukunin.

Napagtanto kong kung wala na akong nakukuhang pagrespeto sa dignidad ko ay mas mabuti na umalis nalang ako dahil araw araw para akong binabaon sa upuan at lamesa ko. Para akong pinapatay nang paulit-ulit pero ang masakit na parte doon ay buhay pa ako at patuloy na ibinabaon. Araw araw para akong sinisintensiyahan at sa gabi lamang ako nakalalabas. Para akong naka parole dahil malaya pero hindi malaya. Nakuha niyo?

Sa tuwing nakikita ko mga maskara ng tao, para akong sinusunog dahil nagiinit mga mata ko. Hindi ako kawawa porket nawawalan ng direksyon buhay ko ngayon ha. Habang pinapatay ako ay doon ako nanggigigil na gumapang at bumangon.

Palagi ko na lamang inaalala kung paano ako iniligtas ng mga taong totoo sa akin.

Isa. dalawa, tatlo…

Ayan na naman sila, pumapasan na naman sa akin. Teka, palayasin ko lang muna ulit.

Babalik ako…

Advertisements

All Hail The Father of Freedom

Father of freedom, but we’re asleep in the revolution,
sold the country to the whites,
while browns are fighting for freedom.
A living god in his own hell;
hailed by few, pleaded by many.
Sprinkled ash of their bodies,
sprinkled their blood,
he who claims to have the victory,
fails to stop the bleeding of his own soul.
Now he’s safe in the hands of his crafter.
Hello General, say hi to satan for me.

Isang Oda sa Kamatayan Ko

Hindi ako isang puntod na aalayan ng rosas sa pag-aakalang masisiyahan ako at iyong naalala,

Lalo na sa mga okasiyong hindi mo alam kung dapat nga bang gunitain ang pagdapo ko sa sulok ng iyong alaala.

Ako’y isang lupa na tinatapakan ngunit syang may dala ng lahat ng bigat na dinadala ng iba,

Lupang hatid ay buhay ngunit pilit pinapatay ng mga imperyalistang mandarambong,

Pilit ipinagpu-puta at ikinakalakal, malamnan lamang ang pagkukulang ng iba.

Nagmistulang birheng paulit ulit pinasukan ng bakal at tatapalan ng semento kapag tapos na,

At saka ipagbibili sa murang halagang silbing kolateral sa kaluluwang inutang kay satanas.

Hindi ako hayop na kayang tumakbo kung saan mo hahatakin sa pag-aakalang nasisiyahan ako bilang iyong tuta,

Lalo na at mga kamay ang nakapulupot sa aking leeg.

Hindi rin isang kasabihan lamang na kapag inani nami’y kayo ang makikinabang,

Tandaang bawat tao’y may galamay ngunit hindi galamay lang.

Parepareho lang tayong ginagawa ang mga bagay bagay para sa pera, tayo tayo pa bang mag-gugulangan?

Lahat tayo’y nararanasang makurakot ang isip sa mga bagay na sa tingin natin ay tama, progresibo, tama, sibilisado.

Pare-pareho lang tayong inaalipin sa sarili nating teritoryo, pero bakit pinaiiral ang prinsipiyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin?”

Hindi natin namamalayang binubulag tayo nito habang pinipitpit ang ating mga dila na siyang sagabal sa pagkamit ng katahimikang may kapayapaan.

Marami nang nakita ang mga matang ‘to. Dito sa lupang niliguan na ng dugo, pinagbaunan ng mga laman na kung siswertehin ka’y buo ang madadatnan,

May iba ngang niyakap na ng tuluyan ng lupa habang ang iba’y nahiwalay pa sa ibang parte nila.

Saksi rin ako sa mga nag-alay ng sarili gamit ang sariling abo,

Idagdag ninyo ako sa bilang.

Huwag kayong mag-alala, saksi ako sa pagsunog ng kaluluwa nila habang buhay pa sila,

Nakita ko ding buo ang mga kaluluwa ninyo habang umaakayat ako.

Bawat luha, pawis at murang ibinato sa lupa,

Dama ko.

Kaya kung luluhuran ninyo ako’t aalayan ng mga bulaklak at kandila,

Huwag.

Dahil hindi ako puntod upang alalahanin lamang sabay silid sa pahina ng kasaysayan,

Mali pala, wala pala dapat akong puntod dahil hindi naman ako namatay at hindi ako nabigo.

Buhay ang kaluluwa kong nananalaytay sa bawat piraso ng bigas na kinakain ng buhay,

Buhay ang gunita ko,

Buhay ako.

Alayan ninyo naman ako ng dasal,

At kung gugunitain ninyo ang pangyayaring ito,

Huwag ninyo sanang gunitain kung paano kami nasawi,

dahil hindi kami bigo,

Naupos man ang kandila namin ng maaga, alam naming nagliwanag kami.

Kaya kung gugunitahin ninyo ang pangyayaring ito,

Gunitahin niyo kung paano nakakain ang aming kababayan dahil sa dugo at pawis na pinuhunan namin,

pakatandaan na ang pagpintig ng pulso ay isa lamang sa mga rason kung bakit tinawag kang buhay,

At pakatandaan rin kung paano tinupok ng apoy ang aming katawang lupa,

Na siyang nagsilbing buslo na nagpaalab sa damdaming makabayan ng aming mga iniwan.

Tandaan rin na ang kamatayan ay siyang simula ng lahat.

Sa Aking Paglalakbay

[Paalala: Ito’y panaghoy ng mga nawawala, natagpuan at umalpas]

Para sa aking mga kapatid,

Nagkalat na ang mga delubyong nagkatawang tao, nakakapaso ang init ng bawat sitwasyon ngunit kapit lang kapatid, huwag kayong mag alala sa akin kung sinindihan ko ang mitsa. Alam kong hindi magiging madali ang laban, ngunit alam kong sa ikli ng panahong ilalagi ko rito sa kalye, sa labas ng bubong na kung tawagin ay tahanan, mas marami akong tahanang mabibigyang liwanag dahil sa labas ng ating bubong, may mas malaking bubong na yumayakap sa atin. Aakyat ako, ngunit bababa rin. Hintayin ninyo ang aking pagbabalik dala ang mabuting balita. At sa aking pagbaba, kayo’y aking isasama na sa itaas upang lumubog sa mas malaking pamilyang tinatawag kong masa.

Nagmamahal,

Ate R.

I. Unang Pagtapak

Sa ‘king pagtapak sa lupang hinirang na lupa ng mga mandirigma,

kung saan hindi sinasadiyang madulas akong sabihing ‘bayang inutang’,

naalala ko ‘yung biro nung ako’y paslit pa lamang patungkol sa pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas;

“Bayang inutang, ‘di mabayad-bayaran”

pagkatapos ng liniyang iyon ay wala nang kasunod.

Ginagawang katatawanan nung ako’y elementarya pa lamang na kahit naririnig na ng aking mga guro ay wala silang imik.

Dahil ba hindi talaga mababayaran ng lahat ng pawis na ipinatak sa sementong gusaling kanilang tinatayo?

ng mga dugong iwinisik para mapatibay ang pundasiyon?

ng mga katawang ginawang pataba sa lupa?

Utang na hanggang ngayo’y binabayaran ng buhay at luha ng mga inagawan ng buhay?

Kinalakihan ko ang ganitong biro na hindi namamalayang ginagawa kong biro ang sitwasyon ng bayan ko.

Parang isang islapstik na komediya kung saan hampasin na tayo’t lahat ay tinatawanan lamang natin ito, makapagbigay aliw lamang sa mga manunuod.

Ilan na nga ba ang pinutian na ng buhok sa paghihintay kung makaka-alpas sila sa rehas na itinakda para sa kanila?

*Sabay pagpasok ng kantang bituwing walang ningning*

Mawawari mo pa ba ‘yung bilang ng taong malakarayom sa siyudad na nangangalap ng seguridad na makakakain pa sila pagdating ng bukas?

*Kumanta ng “May Bukas Pa”*

Bakit kaya bayang inutang? Pwede namang Bayang ipinagbili, o Bayang ipinambabayad.

Siguro nga,

Mananatiling dilat ang mata ng nakararami sa gutom habang ipinansusugal ng mga nasa trono ang buwis na gawa ng mga taong nagbubuwis ng buhay makapag uwi lang ng sapat, kung minsa’y kulang sa kanilang tahanan.

Siguro nga,

Mananatiling uhaw ang masa sa pagkakapantay pantay habang ang mga diyos-diyosan ay uhaw na uhaw sa kapangyarihan.

Siguro nga,

Mananatiling sarado ang bibig ng iilan dahil sa pagsalpak ng kakaunting barya’t papel na salapi na ipinakakain sa kanila, maisarado lamang ang isang usapin.

Siguro nga,

Maraming nangangarap maging prutas rito – prutas na balimbing.

Siguro nga,

Mananatili ang masangsang na amoy sa katawan ng taong gumuhit ng kasaysayan gamit ang dugo sa isang malawak na lupain habang ginagawang himig ang palahaw ng mga nawawala.

Siguro nga,

Kailanman’y hindi sila naglinis ng kanilang tainga pagkat ayaw nilang marinig ng malinaw ang panaghoy ng mga tao sa labas ng palasiyo nila.

Siguro nga, parati nalang tayong nakatanghod sa dayuhang gumahasa at patulo’y na gumagahasa sa ating inang bayan.

Pero,

Siguro mali ako.

Maling mawalan ng pag-asa na makakamit ang isang lipunang malaya.

II. Ikalawang hakbang

Sa ‘king pagtapak sa lupang hinirang,

Lumubog ang aking mga paa sa lahar na ilog na may dalang agos ng pangambang tayo’y mababaon sa lupang ito nang baon sa pangamba.

Gumapang sa siwang ng aking paa ang mga batong nagpapatianod sa agos na may putik;

di alam kung saan ako tatapak, di alam kung paanong tapak ang gagawin ko.

Kasabay ng mga patay na isdang nakalutang at sunod sa direksyon ng agos, tinatanggap kung anong kapalaran ang hatid sa kanila ng tubig.

Sunud-sunuran lamang sa dikta ng agos.

Agos.

Napagtanto kong karamihan sa atin ay maihahalintulad ko sa patay na isda na sumusunod sa dikta ng sa tingin nilang mas malakas na puwersa.

May ibang tao’y nagwawaring agos na pinapaikot ang buhay ng iba at sa bawat pagkumpas ng kamay, kapalaran ng iba’y dadalhin sa kani-kaniyang dulo.

Nakakatakot na kalabanin ang ragasa dahil sa isang maling tapak lamang natin ay maaari tayong bumagsak.

Sinubukan kong humakbang pa ng isa pa,

isa pa,

hanggang sa buong sistema ng katawan ko’y sumunod sa dikta ng puso ko.

Walang nakakaalam kung anong dulo ang kahahantungan ng hakbang ko ngunit tinanggap ko ng buong tapang na may kaunting takot ang ragasa na pilit akong hinahatak pababa, binubulungan akong tigil na.

Siguro nga talaga mali ako nang sapantaha sa mga tao,

Habang pilit kong hinahakbang ang paa ko pausad, nasaksihan ko ang isang grupo na lumilihis sa direksyon ng agos na nagudyok sa aking hawakan ang sariling pinanghahawakan upang magpatuloy,

Sinalubong ako ng mga kamay na handang ibigay ang natitirang upos ng kanilang apoy, malabanan lamang ang dilim na kinakaharap sa araw araw. Saba’y taas ng kamay ng isa’t isa.

Sa oras na ‘yon, ipinamulat sa aking hindi ragasa ang aming kalaban bagkus ang siyang nagtatago sa likod ng isang plantsadong barong na nakikipag kamay sa hayop na tinatawag nilang alyansa,

na patuloy ang pag hukay sa lupain na buhay ang hatid sa mga buhay na tao.

Ang kalaban rito’y mga buwayang nagtatampisaw sa salapi habang dugo’t pawis ang ipinanliligo ng mga taong nasa likod ng kanilang produksiyon.

Mga taong pilit pinuputulan ng pakpak ang mga ibon sabay pagbahid ng makamundong sabi sabi magkaroon lamang ng isang komediya ang dramang ilang henerasiyon na ang dinaanan.

at habang nakikipag bunong braso kami kay kamatayan,

nung mga panahong ‘yon ay sumagi sa isip ko ang sinabi ng aking kasama na “ang tao ay maihahalintulad mo rin sa isang kandila. Maaring humaba ang buhay, maari ring umikli. Gayunpaman, kung sisindihan mo ito, kahit alam mong iikli ang buhay mo, alam mong nagliwanag ka.”

Isang hakbang pa…

III. Ilang Daang Hakbang

Konti pa,

Isa pa,

‘yan ang tinimo namin sa kani-kaniyang isipan habang binubuno ang nalalabing hakbang patungo sa isang kinabukasang walang kasiguraduhan – kasiguraduhang pumipintig pa ang aming mga pulso,

kasiguraduhang may hangin pa sa aming mga baga,

mangyayari ang mangyayari,

Ipapasa sa susunod na henerasiyon ang pagsulat ng nobela ng walang hanggang drama-komediya patungkol sa kung paano natin ipapanalo ang laro na ginawa ng mga nag hahari-harian.

Ipakakalat ang mga pahina sa iba’t ibang salinlahi nang malaman nila kung paano itinumba ng mga mistulang daga ang mga piyesa ng larong chess at kung paanong ang hari ay naputulan ng galamay.

Hindi pula’t dilaw ang tunay na magkalaban,

Hindi tayo tauhan lamang sa isang drama antolohiya na ang mga manunulat ay elitista, kapitalista, pasista.

Siguro nga,

Mali ako nang sapantaha na ang mata’y mananatiling dilat sa gutom bagkus mananatiling mulat sa pangyayari,

Siguro nga,

Mali ako nang sabihin kong ang tao’y natatapalan ng maliit na halaga dahil naririnig ko ngayon ang napakalakas na panaghoy sa di kalayuan na ipinagtatanggol ang interes ng nakararami. Ang tanging makikita mong lumalabas sa kanilang bibig ay ang salitang “lalaban kami”

Siguro nga,

Mali akong amoy na amoy pa rin ang dugo na dulot ng dahas dahil isa isa na silang nahuhubaran nang lumabas na lahat ang tinatago nila sa kanilang balat.

Siguro nga,

Hindi lahat ng tao’y patay na isda.

Nasabi ko ‘to sa aking sarili nung iniabot ng aking mga kasama ang kanilang kamay habang ako’y tumatawid sa ilog.

Iiwanan ko lamang ng ilang kataga ang mga taong magbibigay oras basahin ang akdang ito,

Hindi tayo inutang, hindi rin tayo magpapautang. Hindi tayo tatalon sa kalakarang laman ang kapalit ng serbisyong ibinigay upang maging kolateral.

Wala tayong utang kundi sila,

ngunit hindi natin dadaanin sa dahas ang pagbawi ng karapatang tinatanggal sa atin sa sarili nating lupain dahil hindi tayo bababa sa lebel ng kanilang pagiisip,

Tayo ay tumindig para sa masang api patungo sa pag-abot ng mithiing pinangarap ng ating mga ninuno,

sabay sabay tayong humakbang patungo sa isang lipunang malaya.

Isa lang ang tanong ko sa lahat,

“Para kanino ninyo inaalay ang inyong liwanag?”

Balatkayo

Huwag mo siyang titigan sa mata dahil baka mahalata niyang limot mo na.

Limot mo na,

Kung paano niya hawiin ang kaniyang buhok sa tuwing magsasalita,

Kung paano niya hawakan ang iyong mukha sa tuwing maglalapat ang inyong mga labi,

Kung paano niya ihele ang iyong katawan kahit hindi ka niya hinahawakan,

Kung paano niya pinanginginig ang iyong kaluluwa sa tuwing dadampi ang kaniyang mukha sa iyong leeg.

Huwag, tama na.

Huwag mo nang tangkain na hawakan siya at ipadamang wala ka nang nararamdaman,

na hindi ka na napapaso sa dala niyang elektrisidad,

na hindi mo na kabisado ang bawat sulok ng kaniyang kabuuan,

na hindi mo na dama ang init ng kaniyang hininga sa iyong balikat sa tuwing may ibubulong siyang kayo lang ang nakakaalam.

Tama na.

Huwag na.

Huwag mo nang basagin ang kaniyang katahimikan — katahimikang walang kapayapaan,

Huwag na sanang mangusap ang iyong mga mata upang akitin siyang muli sa iyong apoy,

Huwag mo nang hawakan siya sa leeg gamit ang sarili niyang emosyon at pagnanasang makasama ka sa pagsikat ng araw,

lisanin mo na ang kaniyang katawan; labi’y huwag na ring damhin.

Bitaw na.

Parang awa mo na.

Baka kasi mahalata niyang sinungaling ka.

Dahil,

Ni hindi lumisan sa sulok ng alaala mo ang bawat parte ng kaniyang pagkatao,

magmula sa paghawi ng buhok niya, sa paghinga ng malalim habang ika’y alalay niya, sa pagdampi ng kaniyang haplos sa iyong kaluluwa,

Ni hindi lumisan sa parte ng iyong pagkatao ang pagsulat niya ng isang berso ng pag-ibig sa iyong katawan gamit ang kaniyang labi,

Kabisado mong lahat,

pati panginginig ng iyong kalamnan ay walang pinagbago.

Kaya huwag na lamang,

Huwag,

Tumingin,

Damahin,

Baka mahalata niyang,

Balatkayo lamang ang lahat.

Ang Nais at ang Dapat

Hindi mo kayang ibigay ang gusto ko.

Gusto kong lumipad,

magkaron ng kapangyarihan,

pag laruan ang oras,

manirahan sa pantasya.

Pero salamat sa pagkakait sa akin nito,

Sa paghatak sakin palapit sa baba at panatilihing nakalapat ang paa ko sa lupa.

Salamat sa pag hawak ng kamay ko nang hindi ako tuluyang tangayin ng pantasya ko.

Salamat dahil hanggang ngayong ay buhay pa ako at lumalaban,

Hindi ako natuloy sa alapaap,
Para makita ko ang sukdulan ng mundo,

Napagtanto kong,
Sa paglapat ng paa ko sa lupa, mas nakilala ko ang mundo ng masa.

Nuong ika’y tahanan.

Tahanan.

Noon.

Nangupahan lang pala ko at sa pag-alis ko,

wala akong iniwan;

dinala ko lahat para walang latak sa espasyong lilisanin ko.

At sa sobrang pagmamahal ko sa tahanang iyon,

ako pala ang may natangay na piraso ng bubong na minsan kong naging silong.

————————————————

Basahin mo ang aking salita:

Nung mga nakaraang araw, hirap akong matulog, bumangon, ni kumaim at umihi hindi ko magawa. Hindi dahil may masakit sa akin (ay wala ba?) kundi dahil wala lang talaga akong ganang mabuhay.

May mahal ako, mahaba siya (mahabang istorya). Kaso alam kong ginawa lang akong plangganang tagasalo ng emosyon niya. Bumalik ‘yung dati kong minamahal na mahal ko pa rin pero hindi na ako sigurado sa pagmamahal ko ngayon dahil may minahal siya at ako pa yata anng dahilan ng pagkaudlot. (self-pity) Sa totoo lang, ang gulo gulo gulo ng araw araw ko ngayong panahon ng halimaw (panahon ni digong). Hindi ko naman ginusto ‘yung ganito. Sobrang nasusuka na ako sa pagpigil ko ng luha kasabay ng araw araw na pananakit ng ulo ko.

May mga gabing hati ang desisyon ko sa buhay. May parte kasi sa akin na gustong tambayan ‘yung sakit, gustong maramdaman lahat ng emosyong inipon ko at gustong madurog para isang iyakan nalang. Isnag sakitan nalang. Isang bagsakan nalang. Pero may parte ring gustong hayaan nalang. Hayaang kusang umagos kung kailan aagos. I grab ‘yung oportunidad na maaaring kang maging masaya kahit alam mong eventually mawawasak ka rin. Dalawang desisyon parati. Nahahati sa takot na sumuong sa agos at sa pagiging buo ang loob anoman mangyari.

Kung minsan na kayong naging ganito, payo ko lang na mas piliin ninyong sumaya at magipon ng masasayang ala-alang makakapag pacify ng nararamdaman niyong matinding emosyon. Wala naman kasi talagang kasiguraduhan lahat ng bagay pati tao. Panahon, lumilipas. Kulay at tamis, kumukupas. Kaya huwag niyong hayaang mabuhay lang kayo ng puro pait. Mahirap pero subukan natin.